Tips Para Mabawasan ang Kulubot na Balat

Disclosure: this is a sponsored post that contains sponsored links

 

Ang wrinkles o kulubot na balat ay palantandaan ng umaarangkadang edad. Ito ay bunga ng pagnipis at paglaylay ng balat  na kadalasang mapapansin sa mukha, leeg, at kamay. Ang pagkulubot ng balat  ay bahagi ng natural na proseso ng pagtanda. Kapag ang parte ng balat na nagbibigay ng banat dito ay humina at naging marupok na, ang pagkulubot ang syang nagiging resulta.

May ibang tao na kapansin-pansin ang maagang pagkulubot ng balat. Ang ilan sa maaaring dahilan nito ay ang di maiwasang polusyon sa paligid, paninigarilyo, sobrang pagbibilad sa araw, labis na stress, biglaang pagbawas ng timbang, epekto ng pag-inom ng ilang uri ng gamot, kakulangan sa vitamin E, at nakuha sa ninuno.

Nais mo bang mabawasan ang wrinkles at maiwasan ang pagsulpot ng mga bagong kulubot sa iyong mukha?

Narito ang madaling paraan na pwedeng pagpilian para mabawasan at maiwasan ang maagang pagkulubot ng balat, gamit lamang ang mga simpleng sangkap na napakadaling mahagilap.

1. Olive Oil  

Ang olive oil ay kilala na pang- dressing sa salad. Ngunit maganda rin itong gamitin para sa balat. Mayaman ito sa antioxidants tulad ng vitamin A at E  na panlaban sa mga free radicals. Ang free radicals ang mga toxins na nagpapatanda sa ating balat. Ang regular na pagmasahe kulubot na balat gamit ang olive oil ay makatutulong para ma-moisturize, ma-repair at makalikha ng bagong skin cells na magbibigay ng bagong sigla sa kutis.

Paraan ng paggamit: Magpahid ng olive oil sa balat na tulad ng paglalagay ng lotion. Kapag magpapamasahe ng buong katawan o kahit maliit na bahagi lamang ang nais ipamasahe, piliin ang olive oil sa halip na commercial lotion o powder.

Isang alternatibo na mabisa rin sa pagrerepair ng balat ay ang pagpapahid ng virgin coconut oil. Magaling itong moisturizer at pangontra laban sa tumatandang balat.

2. Aloe Vera

Ang katas ng aloe vera ay nagtataglay ng tinatawag na malic acid na tumutulong upang maging elastic ang balat. Dahil dito ang kulubot ay nababawasan at napipigilan.

Paraan ng paggamit: Kunin ang katas (gel) ng aloe vera sa pamamagitan ng paghiwa at pagtanggal ng balat nito. Kapag nabalatan na ang aloe vera ay makukuha na agad ang parang gulaman o gel. Ipahid sa balat  ang nakuhang sariwang gel ng aloe vera at hayaan ito ng 15 – 20 minuto na nakababad. Pagkatapos ay banlawan ng maligamgam na tubig.

3. Luya  

Ang luya ay isang mabisang sagot sa kumukulubot na balat dahil sa taas ng antioxidant na tinataglay nito. Tumutulong din ito na mapigilan ang pagkasira ng elastin ng balat na syang dahilan ng pagkakaroon ng mga linya at kulubot sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Paraan ng paggamit: Mag- gadgad ng kaunting luya, ihalo sa isang kutsarang honey. Inumin ang magkahalong katas ng luya at honey tuwing umaga. Ito ay mabisang pamuksa sa balat na tumatanda.

Maaari ring uminom ng salabat dalawang beses sa isang araw. Sa paggawa ng salabat, pinapakulo ang tubig na may luya ng ilang minuto hanggang sa lumasa ang luya sa tubig. Bahagyang palamigin bago inumin.

4. Saging

Stack of Bananas

Ang saging  ay mayaman sa bitamina, mineral at antioxidants na pangontra sa kumukulubot na balat.

Duruging maigi ang isang hinog na saging hanggang sa maging pinong-pino ang texture.  Kapag natapos na ang pagdurog at naging parang malagkit na paste na ito ay maaari nang ipahid sa bahagi na may kulubot o linya sa balat. Hayaan itong nakababad ng kalahating oras bago banlawan gamit ang maligamgam na tubig. Gawin ito dalawang beses sa isang linggo.

Ang isa pang mahusay na mixture na maaaring ipahid sa mukha o parteng may kulubot ay ang magkakahalong saging, avocado at kaunting patak ng honey. Durugin ang isang saging at avocado hanggang sa maging pinung-pino. Ipahid sa balat na may kulubot at iwan ng 20 minuto. Banlawan ng maligamgam na tubig pagkatapos.

5. Carrots

Ang carrots ay mataas ang taglay na vitamin A, na nagpapanatili sa magandang balat.

Paraan ng paggamit: Palambutin  ang 2 o 3 piraso ng carrots sa pamamagitan ng pagpapakulo rito. Hanguin kapag malambot na at duruging maigi, lagyan ng kaunting honey  at haluing mabuti. Ipahid sa mukha at iwan ito ng 30minuto pagkatapos ay banlawan ng maligamgam na tubig. Gawin ito dalawang beses sa isang linggo.

Mainam din ang madalas na pagkain ng carrots, isama ito sa inyong diet.

6. Lemon juice     

                                                                                                               

Ang lemon juice ay mayaman sa citric acid na gumaganap bilang mabisang exfoliant at tumutulong upang maalis ang mga dead skin cells. Isa rin itong deep cleansing agent at astringent na kayang palabuin ang mga pekas, bawasan ang wrinkles, alisin ang mga linya sa mukha at pagalingin ang iba pang senyales ng matandang balat tulad ng dark circles.

Paraan ng paggamit: Madahang ikuskos sa mukha ang lemon juice gamit ang bulak. Iwan ng 5-10minuto at banlawan ng malinis na tubig. Mabuting gawin ito araw-araw bago maligo.

 

Karagdagang Paalaala: 

  1. Huwag magbilad sa initan lalo na kung tirik ang araw.
  2. Bawasan ang labis na pag-iisip. Ang sobrang stress ay nakapagpapalala sa pagtanda ng balat.
  3. Iwasan ang paninigarilyo dahil nag-uudyok ito sa maagang pagkakaroon ng balat na kulubot.
  4. Kumain ng mga prutas na mayaman sa vitamin C tulad ng orange, dalandan, suha, pomelo, pinya, brocolli, bell peppers, at spinach.
  5. Magkaroon ng sapat na tulog sa gabi at mainam na matulog ng patihaya kesa nakadapa o nakatagilid para maiwasan ang magkaroon ng marka ng guhit sa mukha na kalaunan ay pwedeng maging wrinkles.
  6. Iwasan ang pangit na expression ng mukha tulad ng pagsimangot. Ang pagsimangot bukod sa nakakapangit at pinapagod lamang ang facial muscles.
  7. Palaging ngumiti.

Ang pagtanda at pagkulubot ng balat ay isang natural na penomena na hindi kayang iwasan ng kahit sino. Ngunit sino ba ang nais magmukha agad na matanda? May mga paraang simple at epektibo upang mapanatiling bata ang balat sa mahabang panahon kahit may edad na. Ito ay hindi lamang nagbibigay ng higit na kumpiyansa sa sarili kundi nakapag-papasaya at nakapagpapaunlad din ng buong pagkatao.